Friday, July 6, 2012

Pinoy Uber Pride!



   Hindi maikakaila ang mabilis na pagsikat ng half-Filipino, half-Mexican na si Jessica Sanchez. Sa edad na labing-anim, nakuha niyang makapasok at umabot sa top 2 ng American Idol (Season 11). Sa tanan ng serye ng American Idol, siya ang kauna-unahang iniligtas ng mga hurado sa bingit ng pagkakatanggal noong magbotohan para sa top 6. Talaga namang magaling kumanta at magtanghal si Jessica at nakakaaliw rin syang panoorin.



   Noong ika-26 ng Pebrero taong 2012, lumabas sa Youtube ang isang bahagi ng palabas na 24 Oras kung saan ibinalita na "isa na namang Pinoy na finalist ng American Idol...ang 16-year old Filipino-Mexican na si Jessica Sanchez..." Bakit kaya tila mainit na balita ang pagkakapasok ni Jessica Sanchez sa top 24? 


   Noon pa man, may pagmamalaki na talaga ang mga Pilipino sa kapwa nila lalo na sa mga Pilipinong sumisikat sa larangan ng sports at sining. Halimbawa na lamang si Manny Pacquiao na halos sambahin natin dahil sa angking galing nya sa boksing. Hindi masamang ipagmalaki ang kapwa, o maging mapagmalaki dahil sa kapwa. Ngunit ano mang sobra ay masama. Tawagin na lang natin itong "Pinoy Uber Pride" para sa mas madaliang diskusyon. Sa mga Youtube videos ni Jessica, makikitaan ng Pinoy Uber Pride ang karamihan sa mga kumento ng mga Pilipino roon. Isang halimbawa na lang ang video kung saan kinanta nya ang "I Will Always Love You".



   Mula noon pa, si Nicole Scherzinger, Enrique Iglesias, Vanessa Hudgens, Bruno Mars, at ultimong ang wrestler na si Batista ay pinipilit nating ipagmalaki bilang mga Pilipino samantalang hindi naman sila buong Pilipino. Ang iba nga roon, hindi pa nakaaapak sa lupa ng Pilipinas, gaya ni Jessica Sanchez. Sa mga interviews, sinasabi nilang ipinagmamalaki nilang may lahi silang Pilipino (syempre, alanganamang itanggi nila yun, e di kinamuhian sila ng mga tao) at natutuwa na tayo roon na tila natamo rin natin ang tagumpay nila. Sa katunayan nga, may mga iilan sa kanila na may bali-balitang hindi naman talaga proud maging Pilipino. Gaya na lamang ni Vanessa Hudgens kung saan, sa isang interview nya, pinagdiinan nya ang kanyang lahing Kastila at Tsino kaysa sa pagka-Pilipino nya.

   Ang Pinoy Uber Pride ay tiyak sa panahon natin ngayon. Marami na ang pumupuna at naiirita sa ugaling ito marahil dahil sa mga masamang implikasyon nito. Maaaring isa itong pagtatalikod sa realidad kung saan wala kasi tayong maipagmalaki sa loob ng bansa kaya sa labas tayo tumitingin. O di kaya ay dahil tila wala ng asenso sa buhay natin kaya ganoon na lamang ang pagtingin natin sa tagumpay ng mga half-Filipinos na ito. Isang kumento sa mula sa video ng 24 Oras sa Youtube ang halimbawa rito:


   Ang Pinoy Uber Pride na sinasalamin ng pagbabalita ng 24 Oras ay maaaring positibo at negatibo ng magkasabay. Ipinapakita nito ang matibay na pagkakabuklod at turing natin sa ating lipunan at sa isa't isa. Ngunit kasabay nito, naipapakita rin ang kayabangan natin at kawalan ng identidad ng bawat isa, kung saan nakikihalo na lamang tayo sa mga sikat at matagumpay nating kababayan sa ibang bansa.